Saturday, September 26, 2009

Ang Everlasting Kape na commonly called “Tinta”

Isa sa mga nakapukaw ng aking atensyon sa pagbabasa ko ng Prolegomenon(official Publication of St. Francis de Sales Major Seminary) ay ang “Tinta ng Bibig”. Pero hindi ang nilalaman ng column na ito kundi ang mismong column title. Tinta ng Bibig. Napakaganda nga naman ng title na ito para sa isang column, animo’y batikang manunulat ang may akda. At dahil nagkaroon ako ng di maipaliwanag na interes dito, pinilit kong hanapin ang utak ng lahat ng ito upang malaman ang kahulugan nito. Ngunit sa pagbabasa ko ng iba’t ibang issue ng Prolegomenon, napansin ko na iba’t ibang seminarista ang sumusulat ng column na ito, naging dahilan upang isipin ko na isa lamang itong fixed part ng Prolegomenon. Pinagtibay naman ang aking hypothesis na ito noong minsang magkaroon ng meeting ang mga Prolegomenon staffers at iniannounce ng EIC kung sino ang magsusulat ng “Tinta ng Bibig” para sa taon na ito. Pero dahil curious talaga ako at may konti ding kakulitan, ipagtanong ko pa din sa mga brothers ngunit sa kasamaang palad, lalo lamang gumulo ang buong scenario sapagkat iba’t iba ang mga itinuturo nilang mga utak at promotor. Sa pagkakataong iyon, naghanap na lang ako ng mga pakalat-kalat na mga kaluluwa at tinanong kung ano ang persepsyon nila sa katagang “Tinta ng Bibig” at ito ang ilan:

Sem. 1 : “tinta ng bibig? Kung ano ang iyong naiisip, iyon ang iyong ibinubuga o sinasabi...”

Sem. 2 : “uhmmm... anything that comes from your mouth.”

Sem. 3 : “meron kasing mga bagay na di mo kayang sabihin, pero naieexpress mo sa pamamagitan ng pagsusulat.”

Sem. 4 : “mabuti pa’y magbasa ka na lang ng mga tinta ng bibig!”

Kung ibabase sa mga opinyon ng mga tao, maraming kahulugan ang susulpot kaya pinilit ko na lang makipagkompetisyon sa aking sariling utak. At sa pagrereflect ko ng sarili kong kahulugan ng “tinta ng bibig”, dinala ako nito sa pagcocontemplate sa aking hawak na Pilot BP-S Fine ballpen ngayon at sa nilalaman nito. Tinta.

Tinta ng Bibig.

Tinta.

Wala naman talagang eksaktong date kung kelan unang ginamit ng tao ang tinta. Pagkatapos kasing mauso sa mga pinakaunang sibilisasyon ang pag-uukit sa mga bato, kahoy at pader para gumawa ng listahan ng mga utang., naisipan ng mga sinaunang egyptian at chinese na mas cool kung gagamit sila ng ink “composed of watersoluble natural gums, glue and water, or oil with powdered animal or vegetable charcoal as the coloring matter” para ipangsulat at para na din magkaroon sila ng originality. Kung paano nila iyon naipangsulat? Maraming variations ng stylus noon, meron gumamit ng metals, brushes, hollow reed, stick ng watusi, pakalat-kalat na sanga, pero ang pinakabest at pinakatumagal ay ang balahibo ng pinagtripang pato. Samantala, sa mga sumunod pang sibilisasyon, nawala na ang konsepto ng originality, kaya naisipan nila na tinta na din ang gamitin sa paggawa nila ng handwritten na facebook at twitter.

“Diamond Sutra” ang isa sa mga pinakamatandang libro na ginamitan ng tinta. Gnawa ito noong 868 A.D. Pero bago pa man matripan ng taong gamitin ang tinta sa paggawa ng libro, ginamit muna nila ito sa sariling katawan. Oo, uso na talaga noon ang mga tattoo, iba’t iba din ang design, merong tribal, calligraphy, stripes, swirls, butterflies, salagubang, ipis, cartoon characters, Paris Hilton at lahat ng mga nakikita mo pang mga design ngayon, ancient at classical nga lang ang pagkakadrawing noon, hindi pa kasi apektado ng global warming ang utak ng tao dati.

Tinta din ang ginamit ni Magellan sa pagdradrawing ng mapa ng mundo noong inikot nya ito. Dahil din naman sa tinta kaya natakot ang tropa ni Magellan sa mga Cebuano, siga daw kasi ang dating ng mga tattoo ng barkadahan nina Lapu-Lapu.

Ginamit din ang tinta nina St. Thomas Aquinas, St. Francis De Sales at iba pang pantas ng simbahan sa pagsusulat ng mga libro na naging batayan ng karamihan sa ating mga ating doktrina ngayon at mga creed thesis.

Dugo naman ang ginamit na tinta nina Andres Bonifacio at ng Katipunan noong naisipan nilang magsanduguan, pero bago pa man ang kakaibang trip na ito nina Bonifacio, nagawa na ito nina Rajah Sulayman at Lakandula noong minsan ay “high” sila, patunay na noong unang panahon pa lamang ay talamak na ang kalakalan ng shabu dito sa Pilipinas.

Mismong si Shakespeare, naadik din sa tinta. Nagkaroon nga ng tsismis na dapat tinta talaga ang iinumin ni Romeo pero dahil straight-to-the-point si Shakespeare, gatas na may melamine na lamang ang ipinainom niya ito para dedbol agad. Hindi din naman nagtagal ang tsismis na ito sapagkat naging mas interesado ang mga showbiz writers noon sa brand ng damit at make-up artist ni Juliet.

Sina John Dryden, William Wordsworth , Nicholas Rowe, Laurence Eusden, Edgar Allan Poe, Mark Akenside, John Keats, Elizabeth Dickinson, at Herman Melville, lahat sila, gumamit ng tinta at sa kanila din ako nakakuha ng tips sa panghuhuli ng pato at pagpili ng magandang klase ng balahibo na best ipangsulat.

Noong 1938, napansin ni Lazlo Biro ang extinction ng mga pato at dahil alam niya na ito ay gawa ng mga manunulat na nantri-trip ng mga pato, sinolusyonan niya ito sa pamamagitan ng pag-imbento ng ballpen. Sa awa naman ng Diyos, ang imbensyon na ito ay ikinatuwa at tinangkilik ng mga environmentalist, mga writers, mga estudyante, mga pato at mga taong walang magawa kaya nakisaya na din.

Sa kasalukuyang panahon, tinta ng HBW 2000, Lotus, Uni, Panda, Leone, at Pilot Ballpen ang ginagamit ng mga estudyanteng bored sa NSTP class na naisipang magvandal na lamang sa upuan, maggraffiti sa notebook o drawingan ng sari-saring tattoo ang kanilang kamay o likod ng kanilang mga kalase. Tinta naman ng broad fine marker ang ginagamit ng mga estudyanteng masalimuot ang buhay sa loob ng NSTP class kaya naisipan na lang magcutex na lamang ng kanilang mga kuko. Pinaghalo namang tinta ng ballpen at broad fine marker ang iniinom ng mga estudyanteng naisipan na lang magpakamatay kaysa umattend ng NSTP class.

Kung tutuusin, maaaring maihanay ang tinta sa listahan ng pinakamahahalaga at pinakamakakapangyarihang bagay dito sa mundo. Kasama ang tinta sa pag-usbong at pagbuo ng sandamakmak at sari-saring mga empire, institusyon, barangay, federasyon, bansa, samahan, barkadahan at circle of friends. Ang iba sa mga ito, bumagsak kasama ng tinta at ang iba naman pinabagsak sa pamamagitan ng tinta. Kasama din ang tinta sa paglitaw ng mga tula, pabula, dogmatic constitution, philippine constitution, MMDA traffic signs, death threats, Prolegomenon, suicide notes, at coloring books.

Pinaghiwalay ng tinta ang mga puti at itim at pagkatapos ay muling pinagsama. Pinaikot ang mundo at pinatigil. Nagdulot ng pagkakahiwa-hiwalay at bumuo ng pagkakaisa. Gumawa ng amo at gumawa ng alipin. Ginawang alipin ang mga amo at ginawang amo ang mga alipin. Pinatigil ang mundo at pinaikot.

Ginawang daan upang lumawak ang edukasyon, ginamit na instrumento upang umunlad ang mga sibilisasyon, naging paraan upang malaman ko ang mga bagay na ito na itinala na ng panahon.

Naniniwala ako na ang tinta, basta ipinangsulat mo, ay di nasasayang. Ipinangsulat mo man ito sa exams, o sa resume, o ng <*your name*> love <*your crush*> ng isanlibong beses sa likod ng iyong notebook. (Kung ginamit mo man ito sa vandalism, di din naman ito nasayang, na-miss mo nga lang ang opportunity na mapahalagahan ang malilinis at makikinis na mga pader.) Oras kasi na ginamit mo ang iyong tinta sa pagsusulat, nagiging salamin ito ng iyong katauhan, nakikita dito ang iyong mga nalalaman, nararamdaman at mga pananaw sa buhay.

Marami na ding tao ang nabuhay sa paggamit ng kanilang mga tinta. Di na mabilang ang mga sumikat, ang mga nabigyan ng mga parangal, ang mga napuri ng sobra at ang mga naging parte ng kasaysayan dahil lamang sa pagkahumaling nila sa pag-uubos ng tinta. Ngunt, marami na din ang natorture, nasaktan at namatay, dahil sa pagsusulat. Mahirap naman kasi talagang maging isang manunulat, kailangan mong makipagdwelo sa iyong utak, maghabol ng idea, makipagtagisan sa iyong kamay, maghabol ulit ng idea, makipagdwelo na naman sa iyong utak, maghabol ulit ng idea, taktak ang ballpen dahil ayaw ng lumabas ng tinta, kalugin ang utak... nakalayo na ang idea, di mo na mahabol. Dagdag pa ang pahirap na dulot ng pagiisip at pagaalala sa mga taong papabor, o kokontra o makakabangga ng iyong mga isinusulat.

Kung titingnan sa ating panhon ngayon, maituturing ng endangered species ang mga manunulat. Kaunti na nga ang mga ito, karamihan pa eh kontento na lang sa pagsusulat ng mga ‘the-same-as-yesterday’ news at mga tsismis na kumakalat na showbiz o pulitika. Napaka-‘RARE’ ng makakita ng mga modern Jose Rizal ng kayang gawing instrumento ang kanilang tinta upang gisingin ang bayan na himbing na himbing pa din sa pagtulog at sarap na sarap sa pamamalagi sa mapagsamantalang at sakim na panaginip. Kung makakita ka man, tiyak na bilang na ang araw ng taong iyon. Kung sa bagay, kapag sinubukan mo kasing gisingin ang bayan, makikipagbanggaan ka sa mga bantay na pilit nagpapatulog dito at hindi mo alam, baka bayan mismo ang magalit sa iyo. Kaya nga minsan, ikinukubli na lamang natin ang ating tinta sa sisidlan nito habang iniisip kung mauubos kaya natin ito o matutuyo na lamang sa loob.

Kanina pang natulo ang aking tinta at kung bakit ganito ang nagiging bunga? Bakit hindi? Gusto kong dumaloy ang tinta sa papel sa parehong paraan ng pagdaloy ng dugo ko sa aking katawan. Merong buhay sa tinta at papel na manunulat lamang ang nakakaintindi at naniniwala akong mismong ang may akda lamang ang makakaintindi ng husto at lubusan sa kanyang sinulat dahil ito ay siya at siya ang sinulat niya. Minsan, hindi lang natin ito napapansin dahil nabubulag tayo ng mga batikos ng mga kritiko o mga taong di pabor sa ating mga isinusulat. Hinahayaan nating punitin ng mga matatalas nilang dila ang ating papel na puno ng ating bumuhos na tinta. Nakakalimutan natin na ang sinabi nila, laway nila iyon at ang mga sinulat mo, tinta mo, isang produkto ng pakikipagdwelo mo sa iyong utak, paghahabol ng mga idea, pakikipagtagisan sa iyong kamay at pagtataktak ng ballpen.

Huwag kang matatakot na humawak ng ballpen. Hayaan mong bumuhos ang tinta nito upang maging tinta ng iyong bibig, ng iyong utak, ng iyong puso at tuluyang maging sarili mong tinta. At mas maganda kung sa bawat lagok ng papel ng iyong bumuhos na sariling tinta, tulad ng isang mainit na kape, magising nito ang ‘ikaw’, ang mga taong nasa paligid mo at ang lipunang kinabibilangan mo.

Meron ka ngayong tinta...

...at kailangan mo akong gisingin.

1 comment:

  1. Your articel is very good sir, let's also visit my articel Bandar Togel Online VillaBetting
    and many more interesting articel that belongs to me like Prediksi Togel - Bandar Judi Online VillaBetting
    - Prediksi Hongkong Pools and more, friends will definitely like my articel.every day I always update interesting art articles such as Bandar Judi Bola Online VillaBetting
    You must be happy to see my website.

    ReplyDelete